Isinagawa ng Department of Agriculture–Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang pilot testing ng Agri-Credit e-Portal  o ACE Portal 2.0, isang makabagong digital platform na layuning gawing mas madali, mabilis, at episyente ang pag-access ng mga magsasaka sa mga pautang ng pamahalaan.

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa mga bayan ng La Libertad at Siaton, Negros Oriental, kung saan mahigit 800  magsasaka ang nakaranas ng mas pinaikling proseso ng loan application — mula aplikasyon hanggang paglabas ng pondo — sa loob lamang ng ilang minuto.

Makabagong Sistema para sa Magsasaka

Ang ACE Portal 2.0 ay isang pinahusay na bersyon ng naunang ACE Portal. Tampok nito ang digital kiosk na kayang isagawa ang buong proseso ng pautang — aplikasyon, beripikasyon, pag-apruba, at pag-credit — sa isang lugar at sa loob lamang ng maikling panahon.

“Sa pag-transact ng mga magsasaka, mabuti na nakagamit na sila ng kiosk,” pahayag ni Patrick Peral, Branch Manager ng Cooperative Bank of Negros Oriental – Bayawan Branch. “Mas madali ang pag-release, walang hassle, at hindi na sila nahirapan sa pag-apply ng loan sa DA-ACPC. Noon, aabutin ng ilang araw bago maaprubahan at mailabas ang loan, pero ngayon, ilang minuto lang, tapos na agad. Malaking ginhawa ito hindi lang sa mga magsasaka, kundi pati sa mga bangko na katuwang ng DA-ACPC.”

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Executive Director Rallen O. Verdadero na ang ACE Portal 2.0 ay bahagi ng mas malawak na digital transformation roadmap ng DA-ACPC, na naglalayong gawing moderno, episyente, at inklusibo ang sistema ng pagpapautang sa magsasaka.

“Ang ACE Portal 2.0 ay hindi lang proyekto ng teknolohiya — ito ay proyekto ng malasakit,” pahayag ni Exec. Dir. Verdadero. “Gusto nating matiyak na bawat magsasaka, kahit nasa liblib na lugar, ay may patas at mabilis na access sa pautang. Hindi dapat maging hadlang ang distansya o kakulangan sa teknikal na kaalaman. Dapat ay nararamdaman nila na ang tulong ng gobyerno ay abot-kamay.”

Binigyang-diin din ni Exec. Dir. Verdadero ang kahalagahan ng digital innovation sa pagpapalakas ng katatagan ng sektor ng agrikultura:

“Ang digitalization ang tulay natin patungo sa isang mas matatag at produktibong sektor ng agrikultura, ito ang paraan upang masigurong mabilis ang tulong sa mga panahon ng pangangailangan — tulad ng tagtuyot, bagyo, o pagbaba ng presyo ng ani. Kung mabilis ang sistema, mas mabilis ding makakabangon ang ating mga magsasaka.”

Dagdag pa niya, ang DA-ACPC ay patuloy sa pagpapaigting ng mga hakbang tungo sa financial inclusion at digital literacy ng mga benepisyaryo.

“Hindi lang namin gusto silang matulungan — gusto rin naming turuan sila. Kapag marunong ang magsasaka sa paggamit ng digital tools, mas nagiging empowered sila. At ‘yan ang tunay na layunin ng ACE Portal 2.0 — hindi lang pautang, kundi kapangyarihan para sa kinabukasan.”

Mahigit 800 Magsasaka, Lumahok sa Pilot Testing

Walong daan at labing-pito (817) na magsasaka mula sa iba’t ibang bayan ng Negros Oriental ang lumahok sa dalawang-araw na pilot testing. Sa kabuuan, 353 na mga magsasaka na sumasaklaw sa 489 ektaryang palayan ang nakahiram, at P16.8 milyon ang kabuuang halaga ng pautang na naaprubahan.  

Bukod sa aktwal na paggamit ng kiosk, isinagawa rin ang mga orientation at demonstration upang maturuan ang mga magsasaka kung paano gamitin ang ACE Portal 2.0 at ang Interventions Monitoring Card (IMC) ng Department of Agriculture, na magsisilbing debit card para sa kanilang mga transaksyon.

“Mabilis ang paggamit ng kiosk. Mabilis rin ang pagproseso at pumasok kaagad sa aming IMC ang loan,” pagbabahagi ni Roseville V. Oden, 54, isang magsasaka ng palay mula sa Tanjay City. “Dati, kailangan pang maghintay ng ilang linggo bago mailabas ang loan, pero ngayon, isang araw lang, tapos na lahat. Hindi ko inakalang darating ang panahon na ganito na kabilis kumuha ng pautang bilang isang magsasaka. Ramdam namin na seryoso talaga ang gobyerno sa pagtulong sa amin.”

Agri-Puhunan at Pantawid (APP) Program Track 2: Karagdagang Suporta sa mga Rice Farmers

Kasabay ng paglulunsad ng ACE Portal 2.0, ipinakilala rin ng DA-ACPC ang Agri-Puhunan at Pantawid (APP) Program Track 2 sa ilalim ng Agri-Negosyo Loan Program (ANYO-APP).

Sa ilalim ng programang ito, maaaring umutang ang mga magsasaka ng hanggang ₱60,000 kada ektarya para sa hanggang pitong (7) ektarya, na may mababang interes na 2% kada taon. Ang programang ito ay dinisenyo upang magbigay ng puhunan sa produksyon, pagbili ng mga input, at pantawid sa gastusin habang naghihintay ng ani.

Tungo sa Isang Digital at Inklusibong Agrikultura

Sa kasalukuyan, ginagamit pa lamang ang ACE Portal 2.0 para sa ANYO-APP, ngunit inaasahan ng DA-ACPC na palawakin pa ito upang maisama ang iba pang mga programa ng ahensya.  Ang ACE Portal 2.0 ay isa sa mga pinakamalaking hakbang ng DA-ACPC tungo sa digitalisasyon ng mga programang pampautang sa agrikultura. Sa pamamagitan nito, layunin ng ahensya na mapabilis ang paglabas ng pautang, mapalawak ang access sa pondo, at mapatatag ang kabuhayan ng mga magsasaka sa buong bansa.