Mas naging madali at mabilis para sa mga magsasaka sa Bayawan City, Negros Oriental ang pagkuha ng puhunan para sa kanilang sakahan matapos silang matulungang mag-apply ng loan sa pamamagitan ng Agri-Credit e-Portal o ACE Portal 2.0 ng Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC).
Sa isinagawang orientation at onboarding para sa Agri-Puhunan at Pantawid (APP) Program, nasa 230 magsasaka ang nabigyan ng pagkakataong mag-apply ng loan on the spot sa tulong ng Cooperative Bank of Negros Oriental (CBNO), isa sa mga partner lending conduits (PLCs) ng ACPC na gumagamit ng ACE Portal 2.0.
Sa pamamagitan ng digital platform na ito, mas naging mabilis ang pag-encode, pag-verify, at pagproseso ng loan applications, kaya’t hindi na kailangang dumaan sa mas mahaba at komplikadong proseso ang mga magsasaka. Nakatulong din ito upang mas mapabuti ang koordinasyon sa pagitan ng mga magsasaka at ng mga partner lending conduits ng ACPC.
Malaki rin ang naging papel ng ACE Portal 2.0 sa field onboarding sa mga barangay, kung saan natutulungan ang mga magsasaka na agad na makapagrehistro at makumpleto ang kanilang loan application.
Nakakonekta ang sistema sa DA-Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) upang mabilis na ma-verify ang eligibility ng mga magsasaka. Naka-link din ito sa Interventions Monitoring Card (IMC) ng Universal Storefront Services Corporation (USSC), na magsisilbing debit card kung saan matatanggap ng mga rice farmer ang kanilang loan proceeds.
Bukod sa ACPC at CBNO, nakibahagi rin sa orientation at onboarding ang iba pang partner agencies ng APP Program tulad ng DA Regional Field Office – Negros Island Region (NIR), DA-RSBSA, National Food Authority (NFA), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), Universal Storefront Services Corporation (USSC), at ang Local Government Unit ng Bayawan City, upang ihatid ang kani-kanilang serbisyo sa mga magsasaka.
Sa ilalim ng APP Program, maaaring makahiram ang mga rice farmer na may sinasakang 0.7 hanggang 7 ektarya ng hanggang ₱60,000 kada ektarya bilang puhunan at pantawid sa kanilang sakahan. May kasama rin itong libreng crop insurance mula sa PCIC, at may kasiguruhan sa pagbebenta ng ani dahil bibilhin ng NFA ang palay sa mas mataas na presyo.
“Ang onboarding na ito ay magandang oportunidad dahil mismong ang mga ahensya ng pamahalaan ang lumalapit sa mga komunidad upang dalhin ang mga programa at serbisyo para sa ating mga magsasaka,” saad ni ACPC Executive Director Rallen Verdadero.
Inaanyayahan namin ang lahat ng farmers na magtanong, alamin, at samantalahin ang mga serbisyong ito,” dagdag pa ED Verdadero.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang house-to-house information campaign sa Negros Oriental upang hikayatin ang mas marami pang magsasaka na makilahok sa mga susunod na orientation at onboarding na gaganapin sa mga munisipalidad ng Tayasan at Ayungon.

