Matagumpay na isinagawa ng Department of Agriculture–Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang Agri Credit Ugnayan sa Pili, Camarines Sur noong Agosto 27, 2025. Dinaluhan ito ng mahigit 300 magsasaka, mangingisda, at agri-fishery micro at small enterprises (MSEs) mula sa iba’t ibang bayan ng Bicol.
Layunin ng programa na ilapit ang pautang at iba pang serbisyong pinansyal ng pamahalaan sa mga nasa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Tampok dito ang panel discussion kasama ang ACPC, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at DA–Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD), kung saan tinalakay ang mga programang makatutulong upang mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka, mangingisda, at MSEs.
Nagbigay din ng inspirasyon ang ilang ACPC loan program borrowers na nagbahagi ng kanilang kwento ng pag-angat, patunay na ang tamang suporta ay susi sa mas maginhawang kinabukasan.
Bukod dito, tampok ang mga information at services booths kung saan maaaring:
- Mag-apply ng loan on-site kasama ang mga partner lending conduits (PLCs) mula sa Bicol
- Magbukas ng basic deposit bank account
- Mag-avail ng insurance mula sa PCIC
- Mag-enroll sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA)
- Mag-inquire ukol sa agribusiness at marketing assistance mula sa DA-AMAD
- Magparehistro para sa National ID
- At mag-apply bilang miyembro ng mga kooperatiba para sa dagdag na suporta sa kanilang hanapbuhay
Nagbigay ng kanilang mensahe ng suporta sina Camarines Sur Governor LRay Villafuerte, ACPC Executive Director Rallen Verdadero, at DA Regional Executive Director Rodel Tornilla, na kapwa nagpatibay sa pangako ng pamahalaan na palakasin ang sektor ng agrikultura at pangisdaan sa rehiyon.
Naging mahalagang bahagi rin ng pagtitipon ang pakikipagpulong ni Executive Director Verdadero sa mga City at Municipal Agriculturists mula sa iba’t ibang panig ng Bicol. Layunin nito na lalo pang patibayin ang ugnayan at kolaborasyon sa mga lokal na pamahalaan, maipakilala ang mga programang pautang ng ACPC, at matukoy ang mga hamon sa pagpapahiram sa mga magsasaka at mangingisda upang mas mabilis itong matugunan.
Itinampok din ang isang photo exhibit na naglalarawan ng mga kwento ng tagumpay ng mga benepisyaryong magsasaka at mangingisda mula sa iba’t ibang panig ng bansa na natulungan ng DA-ACPC.
Sa pagtatapos ng Agri Credit Ugnayan, nag-uwi ng bagong kaalaman, inspirasyon, at konkretong oportunidad ang mga kalahok. Pinatunayan ng programa na ang pagtutulungan ng pamahalaan, pribadong sektor, financial institutions, kooperatiba, at maliliit na negosyo ay mahalagang susi tungo sa masaganang agrikultura at mas maunlad na kinabukasan para sa bawat Pilipino.

