Mahigit 300 magsasaka at mangingisda mula sa Zamboanga Peninsula ang nakinabang sa Agri Credit Ugnayan: Credit Orientation and Matching na ginanap noong October 28, 2025, sa Dipolog City.
Ang Agri Credit Ugnayan, na inoorganisa ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), ay isang one-stop shop activity na layuning mapalapit ang mga serbisyo ng pamahalaan sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Sa pamamagitan nito, maaaring mag-apply ng loan, mag-avail ng insurance, at magbukas ng basic deposit account ang mga kalahok.
Bukod dito, maaari ring magpa-miyembro sa kooperatiba, magparehistro sa Registry Systems for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) at Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Information System (FFEDIS), magparehistro sa National ID, at magtanong tungkol sa iba’t ibang serbisyo ng mga attached agencies ng Department of Agriculture (DA).
“Ito (Agri Credit Ugnayan) ay hindi lamang orientation o forum. Ito ay isang tulay na nagdurugtong sa mga programa ng gobyerno at sa mga pangarap ninyo para sa inyong kabuhayan, pamilya, at komunidad,” ayon kay ACPC Executive Director Rallen Verdadero.
Tampok din sa aktibidad ang tatlong panel discussions kung saan ipinaliwanag ang mga programa ng ACPC, Agricultural Training Institute (ATI), Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC), at DA-Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD). Naibahagi rin sa talakayan kung paano isinasagawa ng mga partner lending conduits ng ACPC ang loan evaluation process.
Para naman kay Joseph Angas Sr., “Sana ay palaging may mga orientation tulad nito para mas madagdagan pa ang aming kaalaman.”
Bukod sa mga talakayan, ibinahagi rin ang mga kuwento ng tagumpay ng mga benepisyaryo ng ACPC tulad nina Jose Agura, isang fish processor; Noriel Saguin, isang swine raiser; at Susan Empeynado mula sa Cassava Growers and Processors Association (CAGAPA).
“Salamat sa ACPC sa patuloy na paglingap sa aming mga magsasaka, lalo na ngayong maraming hamon ang aming kinakaharap,” wika ni Criselda Bagarinan.
“Simple lang ang aming hangarin — mas maraming Pilipino, lalo na sa kanayunan, ang magkaroon ng access sa puhunan at pag-asa,” pahayag ni ACPC Deputy Executive Director Ma. Cristina Lopez. “Hindi lang po kami nandito para magpaliwanag. Nandito kami para makinig, makipag-ugnayan, at makipagtulungan.”
Kabilang sa mga dumalo sa nasabing Agri Credit Ugnayan ang mga partner lending conduits ng ACPC — MIFAMCO, BARCO, USDMPC, MAFAMCO, MOCRECO MPC, ZAMSURGEA MPC, TIMMULCO, Rural Bank of Rizal, Sidangan Facoma MPC, Labason MPC, Bayside MPC, at Rural Bank of Labason — gayundin ang DA Regional Field Office IX – AMAD at RSBSA Team, PCIC, ATI, Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines, Philippine Statistics Authority, BDO Network Bank, at mga Pamahalaang Panlalawigan at Panlungsod ng Zamboanga Peninsula.
Kasunod ng matagumpay na aktibidad sa Zamboanga Peninsula, ipagpapatuloy ng ACPC ang pagsasagawa ng Agri Credit Ugnayan sa iba’t ibang lugar sa bansa upang mas marami pang magsasaka at mangingisda ang maabot at mapakinabangan ang mga programang pinansyal ng pamahalaan.

