Ipinaabot ni DA-ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero ang matibay na suporta ng ahensya sa Cooperative Banks Federation of the Philippines (BANGKOOP) sa ginanap na ika-47 General Assembly nito sa Lucban, Quezon noong Mayo 15, 2026. Kaugnay nito, dumalo ang kinatawan ng DA-ACPC sa pangunguna ni Director Norman William S. Kraft ng Program Development Division (PDD) upang higit pang palakasin ang ugnayan ng DA-ACPC at ng mga cooperative banks sa pagsusulong ng inklusibo at napapanatiling rural finance.
Sa kanyang pambungad na mensahe, binigyang-diin ni Dir. Kraft ang kahalagahan ng matibay na kolaborasyon sa pagitan ng pamahalaan at ng sektor ng rural finance.
“Naniniwala kami na ang epektibong paghahatid ng programa ay nangangailangan ng patuloy na pakikinig, pakikibagay, at pagpapabuti,” aniya. “Hindi sapat na may programa lamang; mahalagang matiyak na ito ay tunay na gumagana sa bukid, palaisdaan, at mga komunidad na ating pinaglilingkuran.”
Dagdag pa niya, “Kinikilala namin ang natatanging lakas ng mga cooperative bank. Sa pakikipagtulungan sa DA-ACPC, maaari nating mapalawak ang access sa abot-kaya at napapanahong pautang para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Sa mga cooperative bank na hindi pa katuwang ng DA-ACPC, malugod namin kayong inaanyayahang makiisa sa aming adhikain.”
Ibinahagi rin DA-ACPC PDD ang mga credit programs ng ahensiya. Tinalakay nila kung paano maaaring maging partner lending conduits ang mga cooperative banks sa pagpapatupad ng Agri-Negosyo o ANYO Loan Program, Kapital Access for Young Agripreneurs o KAYA Loan Program, at Agri-Puhunan at Pantawid o APP Program.
Ang mga programang ito ay naglalayong magbigay ng pautang sa maliliit na magsasaka at mangingisda, mga kooperatiba at asosasyong pang-agrikultura, mga negosyong agri-fishery, at mga kabataang agripreneur.
“Ipinapaabot ng DA-ACPC ang matibay nitong suporta at pagkilala sa BANGKOOP,” saad ni Executive Director Verdadero sa kanyang mensahe para sa okasyon.
“Nananatili kaming matatag sa aming mandato at sa pakikipagtulungan sa BANGKOOP upang maiangat ang kalagayan ng mga magsasaka, mangingisda, at mga agri-fishery based micro and small enterprises tungo sa mas inklusibo, matatag, at napapanatiling kinabukasan.”

