Isang mahalagang hakbang para sa pagpapalakas ng sektor ng agri credit ang naganap sa Lungsod ng Naga matapos pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) at ang Rural Bank of Guinobatan, Inc. (RBGI) noong ika-26 ng Agosto, 2026.
Layunin ng kasunduang ito na mas ilapit at gawing abot-kaya ang pautang para sa mga magsasaka at mangingisda. Sa ilalim ng nasabing partnership, ang Rural Bank of Guinobatan ay magsisilbing Credit Fund Administrator na siyang mag-aaccredit sa mga credit retailers na magpapatupad ng mga programang pautang ng ACPC. Ito ay upang palakasin ang pasilidad ng pautang na direktang mapakikinabangan ng sektor ng agrikultura.
Kabilang sa mga pangunahing lumagda sa MOA ay sina DA-ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero at RBGI President Paulo R. Honrado.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon sina ACPC OIC-Deputy Executive Director Noel Clarence M. Ducusin, na nagbigay ng panimulang detalye tungkol sa proyekto, at Program Development Division Chief Rachel A. Bustamante. Naging saksi rin ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang kooperatiba na inaasahang magsisilbing mga Accredited Credit Retailers (ACRs) na magsisilbing tulay para sa credit funds sa mga lokal na magsasaka at mangingisda sa rehiyon.
Matapos ang pormal na paglagda, nagbahagi rin ng kani-kanilang mensahe ang mga pinuno ng magkabilang institusyon. Binigyang-diin ni ED Verdadero ang positibong epekto at pag-asa na maihahatid ng pasilidad ng pautang na ito sa mga komunidad ng mga magsasaka. Sa kabilang banda, pinatunayan naman ni RBGI President Honrado ang matibay na dedikasyon ng kanilang institusyon na palakasin ang paghahatid ng tulong pinansyal sa mga agri communities.
Ang RBGI ay naging katuwang ng ACPC simula noong taong 2018, at patuloy na naglilingkod sa mga lalawigan ng Albay at Sorsogon sa pamamagitan ng kanilang pitong branch at limang branch-lite units. Ang dalawang institusyon ay patuloy na nagsasanib-pwersa tungo sa iisang layunin ng pamahalaan at pribadong sektor na patatagin at palakasin ang kakayahang pinansyal ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.

