Muling kinilala ang Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) bilang isa sa mga Outstanding Accounting Offices para sa Fiscal Year 2024 ng Association of Government Accountants of the Philippines, Inc. (AGAP).

 

Ang parangal ay bahagi ng taunang Search for Outstanding Accounting Offices, na nagbibigay-pugay sa mga ahensyang nagpamalas ng exemplary financial management, mahigpit na pagsunod sa mga pamantayang itinakda ng pamahalaan, at maagap na pagsusumite ng mga financial reports.

 

Isinagawa ang awarding ceremony kasabay ng AGAP 75th Founding Anniversary and FY 2025 Annual Convention-Seminar, na dinaluhan nina DA-ACPC Director Jonathan S. Giray, Ms. Celine Ysabel Santos ng ACPC-Fund Management Division, Auditor Lorivi P. Santiago at Ms. Andrea Delos Santos ng ACPC-Commission on Audit Team.

Sa kanyang mensahe, ipinahayag ni Dir. Giray ang taos-pusong pasasalamat sa mga kasamahan sa ACPC at mga stakeholders mula sa hanay ng mga magsasaka at mangingisda:

“Ang parangal na ito ay hindi lang tagumpay ng aming team, kundi ng lahat ng katuwang naming nagsusumikap para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Magsilbi sana itong inspirasyon para ipagpatuloy natin ang tapat at mahusay na serbisyo publiko.”

Ang pagkilalang ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng DA-ACPC sa matino, mahusay, at tapat na pamamahala ng pondo ng bayan, na nagsisilbing haligi ng tiwala sa pampublikong serbisyo.