Pinarangalan ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang Department of Agriculture – Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) bilang isa sa kanilang Innovative Financial Education Partners sa ginanap na 2025 Financial Education Stakeholders’ Congress noong Nobyembre 18, 2025 sa BSP Head Office, Malate, Manila.

Ginawaran ang DA-ACPC dahil sa matagumpay na implementasyon ng Kapital at Ipon Tungo sa Asenso (KITA Mo Na)—isang financial education training program na binuo ng BSP, DA-ACPC, at BDO Foundation para sa mga magsasaka at mangingisda. Ang programang ito ay gumagamit ng gamified approach upang maturuan ang mga benepisyaryo na maging matalino sa pangungutang, mag-impok para sa kinabukasan, umiwas sa scam, magplano ng dagdag kita sa pamamagitan ng pagnenegosyo at dagdag kasanayan, kumuha ng seguro para sa proteksyon, at maging responsableng tagapangalaga ng kalikasan.

Sa ngalan ng DA-ACPC, tinanggap ni Mr. Charleston M. Dulay, dating Chief ng ACPC Capacity Building Division (CBD), ang parangal mula kay BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat.

Mula Enero hanggang Oktubre 2025, mahigit 1,700 magsasaka at mangingisda na ang nakibahagi sa 65 KITA Mo Na sessions na pinangunahan ng ACPC-CBD. Upang mas mapalawak ang implementasyon, nagsasagawa rin ang CBD ng training of trainers para sa mga DA-Regional Field Offices (DA-RFOs) at mga ACPC partner lending conduits at state universities.

Ayon sa BSP, ang naturang pagkilala ay iginagawad sa mga ahensyang may malikhain, napapanahon, at scalable na programa na may tunay at positibong epekto sa buhay ng mga Pilipino—isang patunay ng patuloy na pagtataguyod ng DA-ACPC sa kaunlaran ng sektor ng agrikultura.