Isinagawa ng Department of Agriculture–Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang Pagpapakilala ng Programang Pautang para sa Aquaculture at Paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) sa Dumaguete City. Dumalo rito ang mga ACPC–Partner Lending Conduits (PLCs), mga nag-aalaga ng hipon, at mga pribadong mamumuhunan mula sa Visayas.
Layunin ng aktibidad na ipresenta sa mga PLC at mamumuhunan ang modelo ng value chain sa aquaculture ng CP Foods Philippines, kabilang ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa pag-aalaga ng hipon, maayos na pamamahala ng hatchery, at modernong sistemang pangsakahan.
Inaasahang magiging katuwang ito ng mga growers upang makamit ang mas episyenteng produksyon, mas mataas na ani, at mas malaking kita. Tinalakay rin sa briefing ang financing framework ng DA-ACPC upang maihanda ang mga lending conduits at growers bago tuluyang ipatupad ang programa.
Bilang bahagi ng programa, pinangunahan nina Renato B. Gomez, General Manager ng Cooperative Bank of Negros Oriental (CBNO), at Adoon Makdee, Vice President ng CP Foods Philippines, ang paglagda ng MOA.
Nilagdaan ng CBNO at CP Foods Philippines ang kasunduan upang itatag ang value chain partnership sa aquaculture, kung saan maglalaan ang CBNO ng pondo mula sa DA-ACPC habang magbibigay ang CP Foods ng teknolohiya, farm inputs, at pamamahala ng proyekto, kasama ang garantisadong merkado sa ilalim ng buy-back arrangement.
Tinitiyak din ng MOA ang maayos na beripikasyon at pagsubaybay bago ilabas ang pautang, may malinaw na daloy ng pagbabayad, at mga panangga sa panganib tulad ng insurance at suporta sa panahon ng kalamidad, upang maprotektahan ang mga magsasakang nanghihiram at mapalago ang kanilang kita sa Negros Oriental.
Ibinahagi ni Gomez ang kahalagahan ng naturang pakikipagtuwang para sa lokal na sektor ng aquaculture:
“Dalawampung taon na kaming katuwang ng DA-ACPC. Marami na kaming naging matagumpay na proyekto at programa, ngunit ito ang pinakamalaki. Mayroon na kaming mga growers para rito. Binabati namin nang maaga ang DA-ACPC sa pagdadala ng proyektong ito sa aming lalawigan para sa kapakinabangan ng mga magsasaka at mangingisda sa Negros. Sa pangunguna ng DA-ACPC at pakikipagtulungan ng CP Foods Philippines, napakaganda ng aming pananaw para sa programang ito,” pahayag ni Gomez
Sa kaniyang mensahe, binigyang-diin naman ni ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero ang kahalagahan ng matibay na ugnayan at maayos na paghahanda bago magpautang:
“Umaasa kami na sa tulong at pakikiisa ninyo, maisasakatuparan natin ang programang ito at mahihikayat pa ang mas marami pang growers na makilahok. Layunin natin na mapalakas ang produksyon, mapatatag ang kabuhayan, at matiyak na may maaasahang merkado para sa bawat ani. Makakaasa kayo na ang DA-ACPC ay patuloy na magiging katuwang ninyo—sa pondo, sa gabay, at sa suporta—upang maging matagumpay at pangmatagalan ang aquaculture sa Negros Oriental,” sabi ni Exec. Dir. Verdadero.
Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, pinagtitibay ng DA-ACPC ang tungkulin nito bilang tulay ng pondo, teknolohiya, merkado, at pribadong sektor para sa mga magsasaka at mangingisda. Layunin nitong maisulong ang mas makabago at mas napapanatiling industriya ng aquaculture sa Visayas, lalo na sa Negros Oriental.

