Isang Kakaibang Simula sa Bukid

Mula sa isang simpleng anak ng magsasaka, natagpuan ni Bernard Dabu ang isang kakaibang oportunidad sa pag-aalaga ng stingless bee—isang desisyong nagbukas ng pinto sa isang lumalagong negosyo at mas matatag na kabuhayan.

Sa edad na 29, si Bernard ay nakapagtatag ng isang stingless bee enterprise sa Bulacan, na ngayon ay nagbibigay sa kanya ng daan-daang libong piso na kita kada anim na buwan.

Lumaki sa isang pamilyang nagsasaka ng palay at nag-aalaga ng hayop, maaga niyang naranasan ang hirap at tiyaga sa bukid. Bagama’t hindi siya nakapagtapos ng kolehiyo, hindi ito naging hadlang upang maghanap siya ng bagong oportunidad sa agrikultura.

Pagpasok sa Stingless Bee Farming

Nakuha ang kanyang interes sa stingless bee farming dahil sa kakaibang katangian nito at sa mataas na kalidad ng pulot na produkto nito.

“Kakaiba po talaga siya kumpara sa ibang uri ng pag-aalaga ng bubuyog. Bukod sa unique, mas quality din po ang honey kaya nakita ko na may potential talaga siyang pagkakitaan, lalo na sa mga naghahanap ng healthy na produkto,” ani Bernard.

Sa tulong ng mga training at seminar, natutunan niya ang wastong pag-aalaga ng kanyang mga kolonya. Sa kasalukuyan, mayroon na siyang humigit-kumulang 100 kolonya—isang indikasyon ng mabilis na paglago ng kanyang operasyon.

Suporta ng ACPC sa Paglago ng Negosyo

Isang mahalagang hakbang sa kanyang pag-unlad ang pagkuha ng P475,000 na pautang mula sa programang suportado ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), katuwang ang Bausa Integrated Farm.

Ginamit niya ang pondo upang mapalawak ang kanyang produksyon, kabilang ang pagtatayo ng mga pasilidad at pagpaparami ng mga kolonya.

“Malaking tulong po talaga sa amin ang nakuha naming puhunan dahil nagkaroon kami ng kakayahan na palakihin ang operasyon. Dati po kasi maliit lang, pero dahil sa support, mas napaganda at naparami namin ang aming mga kolonya,” aniya.

Pag-ani ng Tagumpay

Sa kasalukuyan, umaabot sa tinatayang P400,000 ang kanyang kita kada anim na buwan mula sa ani ng pulot, bukod pa sa pagbebenta ng mga kolonya na nagkakahalaga ng P3,500 hanggang P4,000 bawat isa.

“Umaabot po ng mga P400,000 every six months depende sa dami ng harvest. Malaking bagay na po iyon para sa amin dahil tuloy-tuloy ang kita at may iba pa kaming pinagkukunan tulad ng pagbebenta ng colonies,” dagdag niya.

Mga Hamon sa Produksyon

Gayunpaman, hindi naging madali ang kanyang paglalakbay. Kabilang sa mga hamon na kanyang kinaharap ang epekto ng kemikal sa kapaligiran, mga predator tulad ng butiki, at usok mula sa mga kalapit na lugar.

“Isa po sa mga problema namin ay ang exposure sa chemicals, pati na rin ang mga butiki at usok mula sa kapitbahay na nakakaapekto sa mga bubuyog. Kailangan po talagang maging maingat at humanap ng paraan para maprotektahan sila,” ani niya.

Upang matugunan ang mga ito, nakikipag-ugnayan siya sa kanyang komunidad at nagsasagawa ng mga hakbang upang maprotektahan ang kanyang mga kolonya, kabilang ang pagtakip sa mga pugad sa panahon ng pag-spray ng kemikal.

Mula Benepisyaryo Hanggang Tagapagsanay

Sa kabila ng mga pagsubok, patuloy na lumalago ang kanyang negosyo—at maging ang kanyang papel sa industriya.

Bukod sa pagiging beekeeper, isa na rin siyang trainer na nagbabahagi ng kanyang kaalaman sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Davao at University of the Philippines Los Baños.

Sa hinaharap, plano niyang palawakin pa ang kanyang operasyon, lumikha ng mga bagong produkto tulad ng honey powder, at magtayo ng isang training center para sa stingless bee farming.

“Plano po namin na magparami pa ng colonies at mag-develop ng mga bagong produkto tulad ng honey powder. Gusto rin po naming makapagpatayo ng training center para mas marami pa kaming matulungan na gustong pumasok sa ganitong negosyo,” aniya.

Isang Mensahe para sa Agrikultura

Para kay Bernard, ang agrikultura ay hindi lamang hanapbuhay kundi isang mahalagang bahagi ng ekonomiya na dapat bigyang-halaga.