Opisyal na inilunsad ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) at Department of Agriculture-Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) ang ANYO-Palay Program ngayong Mayo 14, 2026 sa LANDBANK Plaza sa Malate, Maynila, bilang bahagi ng pagpapatibay ng pamahalaan sa modernisasyon ng agrikultura sa pamamagitan ng digitalisasyon, abot-kayang pautang, at mas matibay na suporta para sa mga magsasaka ng palay.
Ang ANYO-Palay Program, o Palay Yield Enhancement Facility sa ilalim ng Agri-Negosyo Loan Program, ay naglalayong tulungan ang mga magsasaka na mapataas ang produksyon, mapaigting ang kanilang resilience, at makagamit ng mga digital na teknolohiya para sa mas episyente at mas maayos na pamamahala ng pagsasaka.
Ibinahagi ni DA-ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero na higit pa sa simpleng pautang ang ANYO-Palay. “Sa pamamagitan ng ANYO-Palay, nakikita natin ang progresibong digital transformation para sa mga rice farmer sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tamang mga kagamitan at farm management apps upang mapabuti ang production efficiency.”
Kabilang sa mga teknolohiyang ibabahagi ng farm management app para sa mga farmer-borrowers ay ang crop scheduling, input tracking, weather forecasting, irrigation scheduling, pest and disease monitoring, at yield forecasting.
“Sa pamamagitan ng ANYO-Palay Program, layunin naming matulungan ang mga magsasaka na mapabuti ang farm planning, ma-optimize ang paggamit ng inputs, at mas mapangasiwaan ang mga panganib sa pamamagitan ng pagsasabay ng abot-kayang pautang at digital adoption,” dagdag ni LANDBANK President at CEO Lynette V. Ortiz.
“Sa tulong ng ANYO-Palay, level up na rin ang ating mga magsasaka!” dagdag ni DA-ACPC Executive Director Verdadero.
Binigyang-diin ng LANDBANK at DA-ACPC ang kahalagahan ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno, financial partners, at mga komunidad ng magsasaka sa pagsusulong ng modernisasyon ng agrikultura at pagpapatatag ng seguridad sa pagkain ng bansa.

