Pinarangalan ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang Agricultural Credit Policy Council (DA-ACPC) bilang isa sa mga tumanggap ng DBP Development and Resiliency Sector for Sustainability Awards, kasabay ng pagdiriwang ng World Sustainability Day noong Oktubre 29, 2025.
 
Iginawad ang parangal bilang pagkilala sa kontribusyon ng DA-ACPC sa pagsusulong ng isang matatag, inklusibo, at napapanatiling sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa pamamagitan ng mga makabagong credit programs at capacity-building initiatives, patuloy na ginagabayan ng DA-ACPC ang mga magsasaka, mangingisda, at micro and small agri-entrepreneurs tungo sa sustainable livelihoods at financial resiliency. Kabilang dito ang mga programang nagbibigay ng madaling akses sa pautang, pagsasanay sa financial literacy, at suporta sa agri-fishery value chain development — mga hakbang na hindi lamang nagpapatatag sa kabuhayan ng mga benepisyaryo, kundi nag-aambag din sa pagbuo ng mas luntiang ekonomiya sa kanayunan.

Tinanggap ni DA-ACPC Executive Director Rallen O. Verdadero ang parangal sa ngalan ng ahensya, bilang patunay sa patuloy na adbokasiya ng DA-ACPC na gawing instrumento ng kaunlaran at pagkakapantay-pantay ang access to agricultural finance.

Sa tuloy-tuloy na pagtutulungan ng DA-ACPC, DBP, at iba pang katuwang na institusyon, naisusulong ang mas matatag, mas inklusibo, at mas luntiang kinabukasan para sa sektor ng agrikultura.