Upang tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka sa abot-kayang pautang para sa produksyon at tulong-pinansyal habang naghihintay ng anihan, hatid ng Development Bank of the Philippines (DBP) ang Agri-Puhunan at Pantawid (APP) Program.

Masusing inilahad ang programang ito ni DBP Vice President Noli Cruz, sa pinakahuling talakayan ng AgriCREDITalk webinar ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC). 

Sa ilalim ng APP Program, maaaring makahiram ang mga kwalipikadong magsasaka hanggang P28,000 kada ektarya (hanggang pitong ektarya), na may kasamang P32,000 na pantawid bawat magsasaka. Ang P28,000 ay nakalaan para sa puhunan ng mga magsasaka pambili ng mga pangunahing input tulad ng binhi, pataba, pesticide, at iba pang gamit sa produksyon. Samantala, ang P32,000 ay magsisilbing pantawid-gastos, na maaaring i-withdraw ng P8,000 kada buwan sa loob ng apat na buwan, habang hindi pa umaani. Ang kabuuang halaga ng pautang ay maaaring bayaran sa loob ng 180 araw o tuwing panahon ng anihan.

Bukod sa mababang interes na 2% kada taon at kawalan ng anumang hidden charges, ang credit mula sa programa ay maaaring makuha at gamitin sa pamamagitan ng Interventions Monitoring Card (IMC), isang multi-functional card na idinisenyo upang tulungan ang mga magsasaka sa pag-access ng iba’t ibang uri ng ayuda mula sa Kagawaran ng Agrikultura (DA).

Gamit ang IMC, maaaring bumili ang bawat magsasaka ng mga input mula sa mga DA-accredited merchants, mga gamit sa pagtatanim at mag-avail ng mga kaugnay na serbisyo sa pagsasaka. Ang lahat ng ito ay maaaring gawin sa pamamagitan ng iba’t ibang channels gaya ng BancNet Automated Teller Machines (ATMs), Point-of-Sale (POS) machines, at online banking platforms. 

Mas pinalakas pa ang programa sa tulong ng National Food Authority (NFA) na nagbibigay ng garantisadong presyo ng ani. Tinitiyak ng programa na ang sariwang palay ng mga borrowers ay mabibili ng hindi bababa sa P21 kada kilo. Kung makakaani ng limang tonelada kada ektarya, maaari silang kumita ng hanggang P105,000, o tinatayang P78,000 netong kita matapos ibawas ang mga gastos.

Target ng programa ang mga magsasakang  miyembro ng mga DA-accredited cooperatives. Kabilang rin sa mga kwalipikasyon ang pagiging rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), hindi hihigit sa pitong ektarya ang sinasakang lupa, walang kasalukuyang utang sa pormal na institusyon o sa parehong proyektong pinangungunahan ng DA-ACPC, at may kaalaman o karanasan sa pagpapalay.

Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa pinakamalapit na DBP Lending Center sa inyong lugar.