
Isang mas pinahusay at pinalawak na lending program ang inihahandog ngayon ng Land Bank of the Philippines (LANDBANK) sa ilalim ng Agrisenso Plus Program. Layunin nitong makapaghatid ng mas malawak at abot-kayang credit assistance para sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda, mga Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs), kooperatiba, asosasyon, micro, small, and medium enterprises (MSMEs), at iba pang kalahok sa agricultural value chain. Ang programang ito ay tinalakay sa pinakabagong AgriCREDITalk webinar ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), kung saan ipinaliwanag ni LANDBANK Assistant Vice President Danilo Crobalde ang mga benepisyo at oportunidad na maaaring mapakinabangan sa ilalim ng Agrisenso Plus.
Ang Agrisenso Plus Program ay idinisenyo upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan sa produksyon at pagpapalago ng kita sa sektor ng agrikultura at pangisdaan. Kabilang sa mga maaaring pondohan sa ilalim ng programa ang produksyon ng palay, mais, at high-value crops tulad ng gulay, prutas, at spices. Saklaw din nito ang pagpapalaki ng isda gaya ng tilapia, bangus, hipon, at alimango, gayundin ang pag-aayos ng mga fishponds at fish cages, at ang pagbili ng makinarya at mga kagamitan para sa mas episyenteng operasyon. Para sa production loan, maaaring umutang ng hanggang 90% ng kabuuang production cost, habang hanggang 80% naman ng kabuuang halaga ng proyekto o kagamitan ang maaaring ipahiram para sa fixed assets acquisition o development. Ang interest rate ay abot-kayang 4% kada taon, partikular para sa mga small farmers, fishers, at ARBs.
Upang maging kwalipikado, ang mga aplikante ay dapat hindi bababa sa 18 taong gulang at hindi hihigit sa 65. Ang mga magsasaka ay kinakailangang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA), habang ang mga mangingisda naman ay dapat nakalista sa Fisherfolk Registration System (FishR). Bukod sa malinaw na kakayahang magbayad, dapat ding aktibong nakikibahagi ang aplikante sa operasyon ng sakahan o palaisdaan. Bilang dagdag na benepisyo, kabilang sa programa ang libreng life insurance at credit life insurance mula sa mga accredited insurance partners ng LANDBANK. Mayroon ding mga libreng pagsasanay at capacity-building activities sa ilalim ng ASCEND Program upang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga benepisyaryo.
Bagamat hindi pa naroroon sa lahat ng probinsya ang mga lending centers ng LANDBANK, tiniyak ng bangko na sakop ng kanilang serbisyo ang buong bansa. Ayon kay AVP Crobalde, kung walang lending center sa inyong lugar ngunit may LANDBANK branch, maaaring magtungo roon at ie-endorso kayo sa pinakamalapit na lending center. Ipinaliwanag din sa webinar na kung sakaling hindi makabayad sa takdang panahon dahil sa mga katanggap-tanggap na dahilan gaya ng kalamidad o sakuna, bukas ang LANDBANK sa loan restructuring at pagbibigay ng sapat na panahon upang makabawi. Gayunpaman, ang mga sadyang hindi nagbabayad ay maaaring maisailalim sa blacklist.
Ayon pa kay AVP Crobalde, “Hindi namin iiwan ang agriculture sector dahil ito ang priority namin. Ikaw man ay maliit na magsasaka, mangingisda, o may malaking agribusiness, puwede kayo sa Agrisenso Lending Program. Hanggang kayo ay lumago, partner ninyo ang LANDBANK.”