Dalawa sa mga partner lending conduits (PLCs) ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC) ang pinarangalan bilang Outstanding Rural Financial Institution National Grand Winners sa ginanap na 50th Gawad Saka: Parangal sa mga Natatanging Magsasaka at
Mangingisda noong June 30, 2025 sa Muñoz, Nueva Ecija.

Sa Bank Category, kinilala ang New Rural Bank of San Leonardo (NRBSL) mula sa Nueva Ecija, Region 3. Simula pa noong 1994, misyon na ng NRBSL na maabot ang mga maliliit na magsasaka at negosyante sa kanayunan sa pamamagitan ng makatao at mahusay na serbisyo. Sila mismo ang bumababa sa mga komunidad para maghatid ng abot-kayang pautang at tulong pinansyal – kahit sa mga lugar na hindi naaabot ng malalaking bangko.

Samantala, sa Non-Bank Category, itinanghal na panalo ang Diffun Saranay Development Cooperative (DISADECO) ng Quirino, Region 2. Nagsimula ito noong 1988 bilang maliit na samahan ng 51 magsasaka. Sa loob ng higit tatlong dekada, pinalago nila ang kanilang kooperatiba sa pamamagitan ng produktibong pagpapa-utang, rice milling, coffee processing, at food manufacturing.

Ang Gawad Saka ay ang pinakaprestihiyosong parangal ng DA na ibinibigay sa mga natatanging indibidwal at grupo sa larangan ng agrikultura at pangisdaan. Higit pa sa simpleng pagkilala, ang Gawad Saka ay layuning itampok ang mga kwento ng tagumpay ng ating mga bayani sa agrikultura, at itaguyod ang food security at sustainable development sa bansa.

(Photos courtesy of Agricultural Training Institute)